Manila, Philippines – Makalipas ang halos isang buwan nang magkakahalong-paggalaw sa presyo ng produktong petrolyo, sabay-sabay naman na magtataas ang singil ng langis sa ikatlong linggo ng Disyembre.
Batay sa abiso ng mga kumpanya ng langis, pare-parehong magpapatupad ng dagdag-singil sa presyo ng gasolina, diesel, at kerosene na epektibo simula sa Martes, ika-17 ng Disyembre.
Base sa 5-day trading period, nasa P0.80 ang magiging taas sa halaga ng kada litro ng gasolina at diesel, habang P0.10 naman sa kada litro ng kerosene.
Maituturing ito na unang beses sa loob ng isang buwan na sabay-sabay na magtataas ang presyo ng mga produktong petrolyo sa merkado.
Matatandaan na apat na magkakasunod na linggo nang nagtataas ng singil sa halaga ng gasolina habang pabago-bago naman ang naging paggalaw sa presyo ng diesel at kerosene sa loob ng mga nakalipas na linggo.
Ayon sa Department of Energy-Oil Industry Management Bureau, iniuugnay ang nakaambang pagtaas sa presyo ng petrolyo dahil sa mas mataas ding power demand para sa susunod na taon, maging ang nagpapatuloy pa ring tensyon sa Middle East.