PAGPIPIRMA NG 2025 NAT’L BUDGET SA DIS. 20, KANSELADO

Manila, Philippines – Kanselado sa Disyembre 20 ang sanang pagpipirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa General Appropriations Act (GAA) kung saan nakapaloob ang humigit Php 6.352 trillion badyet para sa taong 2025, ayon sa pahayag ng Office of the Executive Secretary (OES).

Ayon kay Executive Secretary Lucas P. Bersamin, ang desisyon na ito ay upang mas bigyan pa nang lubos na oras at pansin para suriin ang badyet.

“The scheduled signing of the General Appropriations Act on December 20 will not push through to allow more time for a rigorous and exhaustive review of a measure that will determine the course of the nation for the next year,” hayag ni Bersamin.

Dagdag pa nito, pinangungunahan mismo ng ating presidente Ferdinand Marcos Jr. ang kasalukuyang assessment, kasabay na rin ang konsultasyon ng iba’t ibang punong-departamento ng bansa.

Kinumpirma din niya na nasa proseso na ng pag-be-veto ang ilang sa mga nakapaloob dito para sa kapakanan ng nasyon.

“We can now confirm that certain items and provisions of the national budget bill will be vetoed in the interest of public welfare, to conform with the fiscal program, and in compliance with laws.” pagtatapos ni Bersamin.

Matatandaan na nagkaroon ng malawakang pagtutol ang publiko at ilang mga pulitiko sa inilabas na pinal na bersyon nito matapos ang zero subsidy grant sa PhilHealth at ang umano ay malisosyong P26 bilyong badyet para sa Ayuda Para sa Kapos sa Kita Program (AKAP).

Sa kasalukuyan, wala pang tiyak na petsa kung kailan pipirmahan muli ang nasabing nat’l budget.

 

Share this