Manila, Philippines – Naging tradisyon na hindi lamang sa Pilipinas, kundi maging sa buong mundo, ang pagsalubong sa bagong taon sa pamamagitan ng mga maiingay at makukulay na mga paputok.
Ngunit, sa likod ng saya at kulay na dala nito ay ang pinsalang kaakibat na rin ng naturang selebrasyon.
At ngayong salubong sa taong 2025, mababa man ang bilang, ngunit umabot pa rin sa mahigit 500 ang mga naitalang biktima ng paputok sa nasabing panahon, na posible pang madagdagan.
Sa datos na inilabas ng Department of Health (DOH), umakyat na sa 534 ang mga kumpirmadong kaso ng firecracker-related incidents sa bansa, mula sa tala noong ika-22 ng Disyembre hanggang ala-sais ng umaga ng ika-2 ng Enero.
188 sa bilang na ito ay naitala sa bisperas ng bagong taon, tatlo sa unang gabi ng 2025, at tatlo pa mula sa mga nakalipas na araw.
Sa talang ito, 356 sa mga nasabugan ng paputok ay nagtamo ng mga paso at sunog sa balat, habang 28 ang kinailangang ma-amputate o putulin ang apektadong bahagi ng katawan.
Batay pa rin sa kaparehong datos mula sa 62 sentinel sites ng DOH sa buong bansa, 322 sa mga biktima ay edad 19 na taon pababa, habang 443 naman sa kanila ay mga kalalakihan.
Nangunguna pa rin ang kwitis sa mga paputok na sanhi ng mga firecracker-related injuries ngayong taon, na sinundan ng ilegal na boga, mga hindi kilalang paputok, 5star, at whistle bomb.
Sa kabila ng mataas na bilang ng mga firecracker-related injuries sa loob ng 12 araw, 9.8% pa rin itong mas mababa kumpara sa tala noong salubong 2024.
Paalala ng DOH, gumamit na lamang ng mga alternatibong mga pampaingay sa selebrasyon ng bagong taon upang maiwasan na rin na magkaroon pa ng biktima ng mga paputok.