Manila, Philippines — Sa gitna ng mga umuugong na pagkwestyon sa legalidad ng 2025 General Appropriations Act (GAA) dahil sa mga alegasyon ng mga blangkong pahina, nagsalita na si Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero tungkol sa usapin.
Sa isang Press Briefing nitong Huwebes, mariing pinabulaanan ni Escudero ang mga alegasyon ng mga umano’y blangkong dokumento sa ilalim ng nilagdaan at naisabatas na 2025 GAA.
Giit ni Escudero, ang mga alegasyong ito ay walang basehan at walang katotohanan, dahil ang pinirmahan nyang GAA ay walang blangko.
“‘Yong batas na General Appropriation Act, na produkto ng anumang committee o conference committee report o committee report, ang kinukwestyon. At kumpleto ang batas na ‘yon— walang blangko, walang kulang, at yung amount ay nagsu-suma,” paliwanag nya.
Kwestiyunable rin aniyang maituturing ang mga alegasyon, lalo pa at ang bicameral committee report na iprinisenta na naglalaman ng mga umano’y blangkong items ay hindi naman kasama sa enrolled bill.
Sa usapin aniya ng pagkakaiba sa pagitan ng bicameral report at GAA, tanging ang enrolled bill na nilagdaan ng Pangulo, ng Senado, at ng Kamara lamang ang kikilalanin at maituturing na legal at konstitusyunal.
“Ang susundan at sinusunod—dahil ‘yon ang nakalagay sa bicameral conference committee report— ay ‘yong enrolled bill. ‘Yong pinirmahang bersyon ng batas ng Pangulo, ng lider ng Kamara at Senado, at ng Secretary General ng dalawang Kamara, ‘yon ang mag-go-govern,” saad ni Escudero.
Dagdag nya pa, “Kung may kulang doon, tama lamang na ito’y ma-kwestyon. Or kapag may ni-release, dahil fill in the blanks ‘yon, pagkatapos, tama lamang na hindi i-release ‘yon at payagang i-release ‘yon. Pero hindi ang anumang basehan sa isang committee report na gaya ‘nong sinabi ko. Alam naman ‘yan ng kongresista na nagrereklamo’t nagsasaad ng punto nya kaugnay sa bagay na ito.”
Hindi rin aniya ilalabas ng Department of Budget and Management (DBM) at ng National Bureau of Treasury ang pondo sakali mang mayroon ngang blangkong items o typographical errors sa GAA, gaya ng ipinaparatang dito.
Hindi rin daw aniya naiintindihan at alam kung ano at saan galing ang iprinisentang report ni dating House Committee on Appropriation chairman Isidro Ungab na nagsasaad ng mga umano’y blangkong dokumento.
“Ano man ang ipinapakita nyang committee report o di umano’y bicameral conference committee report—‘yong ifinorward lang sa akin ng isang kasamahan natin sa media—hindi ko nakikita ‘yong pirma ko doon. So hindi ko alam kung ano ‘yon. Pero kung ano man ‘yon, uulitin ko, ang basehan, ang importante, at masusunod, at ang pwedeng ideklarang unconstitutional at ilegal ay batas—‘yong pinirmahang enrolled copy ng bill ng Pangulo,” aniya pa.
Ikinabahala rin aniya ang umano’y pamumulitika na maaaring rason sa likod ng alegasyon, lalo na at malapit na aniya ang eleksyon.