LAHAT NG LANES NG NLEX MARILAO NORTHBOUND, BINUKSAN NANG MULI

Manila, Philippines – Abiso para sa mga motorista.

Bahagya nang gagaan ang lagay ng trapiko sa North Luzon Expressway (NLEX) dahil madadaanan nang muli ang lahat ng apat na lanes ng Marilao Interchange Northbound.

Batay sa Traffic Update ng NLEX Corporation, bandang alas dos ng madaling araw nitong Miyerkules, bukas nang muli ang lahat ng lane ng Marilao Northbound na matatandaang naapektuhan ng nakalipas na crash incident sa Marilao Bridge.

Binuksan na ng NLEX ang lahat ng linya kahit pa nasa gitna pa rin ng pagsasaayos ang bahagi ng Marilao Bridge, na ginhawa ang dala sa mga motorista.

Mayroon pa ring mga supporting steel poles sa mga apektadong lanes para sa concrete curing ng tulay.

Sa kabila ng pagbubukas ng apat na linya, ipinatutupad pa rin ang libreng toll sa Balintawak hanggang Meycauayan Northbound habang nagpapatuloy pa ang repair works.

Samantala, tanging mga class 1 vehicles lamang ang maaaring dumaan sa Marilao Interchange Bridge patungong MacArthur Highway at San Jose Del Monte, habang ang class 2 at 3 vehicles at pansamantala munang hindi makakaraan sa tulay.

Share this