KIKO PANGILINAN, PINABULAANAN NA MAY USAPAN KASAMA ANG ALYANSA PARA SA BAGONG PILIPINAS

Manila, Philippines — Mariing itinanggi ni dating Senador Francis “Kiko” Pangilinan na mayroong naging pag-uusap sa pagitan nya at ng kampo ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas para maging parte nito.

Sa isang opisyal na pahayag, direktang pinabulaanan ni Pangilinan ang mga kumakalat na balitang mayroon nang komunikasyon sa pagitan nya at ng Alyansa para ihanay sya senatorial slate na iniendorso ng kasalukuyang administrasyon.

Ang paglilinaw na ito ay kasunod ng paglipana ng mga ulat na naglalaman ng nasabing impormasyon, upang palitan ang binakanteng pwesto ni senadora Imee Marcos na matatandaang kumalas na sa Alyansa.

Ayon kay Pangilinan, bukas man sya na makipagtulungan sa mga kandidatong hindi nya kapartido, nanatili pa ring independent ang kanilang kampanya para sa mga bitbit nilang plataporma.

“Our focus is clear: Hello, Pagkain sa Mababang Presyo. Walang kulay ang gutom, at ang solusyon sa mataas na presyo ng bilihin ay dapat pagtulungan nating lahat anuman ang partido.”

Bukod kay Pangilinan, kasama rin si dating senador Aquino sa umano’y pag-uusap na ito kasama ang Alyansa.

Sa kabila nito, nauna na ring pinabulaanan ng kampo ng Alyansa para sa Bagong Pilipinas ang mga naturang ulat.

Ayon kay Navotas Representative Toby Tiangco na tumatayong campaign manager ng alyansa, walang katotohanan ang mga bali-balitang ito, at na hindi rin sya nakipagkita kay Aquino o kay Pangilinan.

Share this