APAT NA PINOY, NAPAULAT NA NAWAWALA MATAPOS ANG LINDOL SA MYANMAR — DFA

Mandalay, Myanmar — Matapos ang malakas na 7.7 magnitude na lindol na tumama sa myanmar, pumalo na sa higit 1,000 ang tinatayang nasawi mula sa insidente.

Sa gitna ng nagpapatuloy na search and rescue operations sa mga gusaling gumuho bunsod ng lindol, apat na mga Pilipino naman ang naiulat na nawawala matapos ang trahedya.

Sa isang panayam, sinabi ni Department of Foreign Affairs Undersecretary for Migrant Workers Eduardo de Vega, apat na mga Pilipinong propesyunal—mga guro at office workers—sa Mandalay ang nananatiling unaccounted for matapos ang lindol.

Ang dalawa rito ay ang mag-asawa na kinilala bilang sina Alexis at Edsil Adalid, habang ang dalawa pang ay sina Barren Marcelo, at Francis Aragon, na mga naninirahan sa isang condominium building sa Mandalay na kabilang sa mga gumuho noong lumindol.

Sa kasalukuyan, unaccounted for pa rin ang apat na indibidwal—ibig sabihin, hindi macontact matapos ang lindol at hindi rin kabilang sa mga narescue matapos ang insidente.

Kasunod nito, umaasa ang kanilang mga pamilya sa Pilipinas na matatagpuan na rin ang mga ito sa lalong madaling panahon, habang patuloy pa rin ang paghahanap sa mga ito.

Nakikipagtulungan na rin ang gobyerno ng Pilipinas sa Myanmar para sa mga humanitarian aid at assistance pagkatapos ng lindol.

Share this