Manila, Philippines — Pinangangambahan ngayon ng Department of Health (DOH) ang posibilidad ng pagkakaroon ng major outbreak ng sakit na dengue sa bansa kasunod ng naitatalang mataas na kaso ng sakit.
Ayon kay DOH Secretary Teodoro Herbosa, kada tatlo hanggang limang taon, posibleng magkaroon ng outbreak ng dengue, at ang huling major outbreak ng sakit sa bansa ay noong 2019.
At dahil sa mataas na bilang ng mga naitatalang kaso ng dengue sa bansa ngayong taon,nagbabala na ang DOH sa posibleng pagkakaroon ng outbreak.
Ayon kay Herbosa, nakapagtala na ang DOH ng 75% na pagtaas sa bilang ng kaso ng dengue sa bansa, kumpara sa kaparehong panahon noong 2024.
Paliwanag nya, ang maulan pa ring panahon kahit Enero na ay isa sa mga rason kung bakit mataas pa rin ang bilang ng mga nagkakasakit ng dengue.
Bunsod nito, muling nagpaalala ang DOH sa publiko patungkol sa mga hakbang na maaaring gawin upang mapuksa ang mga pugad ng mga lamok na may dalang dengues at para maiwasan pa ang pagkalat nito.