SIZE LIMIT SA HAND-CARRIED LUGGAGE NG MGA PASAHERO, SINUSPINDE NG MRT-3

Manila, Philippines — Sinuspinde na ng pamunuan ng Metro Rail Transit (MRT-3) ang polisiya nito pagdating sa size limit ng mga hand-carried na bagahe ng mga mananakay, alinsunod na rin sa utos ng Department of Transportation (DOTr).

Nitong Huwebes, pinuna ni DOTr Secretary Vince Dizon ang dating polisiya ng MRT-3 na ni-reshare nito sa kanilang Facebook page, patungkol sa pagbabawal ng mga bagahe na lagpas sa size limit na ipinatutupad ng MRT-3.

Alinsunod sa naturang polisiya, hindi pinapayagan ang mga bagaheng mas malaki sa two-by-two feet.

Ayon kay Dizon, mas pinahihirapan lamang ng polisiyang ito ang mga mananakay.

Kasunod ng direktiba, nitong Biyernes, inanunsyo ng MRT-3 ang pagsuspinde sa naturang polisiya.

Pag-aaralan din anila ng pamunuan ang polisiya at rerebisahin ito ng isinasaalang-alang pa rin ang kapakanan ng mga mananakay.

Share this