Manila, Philippines — Mahigit isang buwan bago ang nalalapit na 2025 National and Local Elections, mas umigting pa ang pangangampanya ng mga kumakandidato para sa darating na halalan.
Sa gitna nito, paulit-ulit ang paalala ng Commission on Elections (COMELEC) patungkol sa mga polisiyang kailangang sundin ng mga kandidato sa kanilang pangangampanya, na kaakibat ng sinumpaang patas at tapat na halalan.
Kaya naman mariin ang naging pagkondena ng Office of Civil Defense (OCD) sa mga napapaulat na maling paggamit ng Emergency Cell Broadcast System para sa politikal na interes.
Nitong Linggo, iniulat ng OCD na mayroon silang mga natanggap na reports mula sa ilang mga residente sa ilang partikular na probinsya patungkol sa mga emergency alert messages na pampolitika naman ang nilalaman.
Batay sa mga naturang report, mayroong mga residente ang nakatanggap umano ng ECBS alerts, sa itsura ng isang emergency alert, na ang nilalaman ay isang political content na nanghihikayat na iboto ang partikular na mga kandidato.
Giit ng OCD, hindi dapat magamit sa ibang dahilan ang layunin ng ECBS, na mahalaga ang papel upang makapagbigay ng impormasyon sa gitna ng mga sakuna at kalamidad.
“This system is designed exclusively for issuing life-saving alerts during emergencies, such as earthquakes, typhoons, and other public safety threats. Utilizing it for political messages not only undermines its critical purpose but also risks desensitizing the public to genuine emergencies, potentially endangering lives,” saad ng OCD.
Dagdag pa nito, ang paggamit sa ECBS sa maling layunin at paraan ay maaaring magdulot ng kalituhan sa publiko at pagiging kampante nito kapag totoong sakuna na ang nagaganap.
Sa gitna nito, sinabi ng OCD na hindi nila papayagan at palalagpasin ang mapatutunayang ginagamit sa maling layunin ang ECBS, at na pananagutin ang mga ito.
Nakikipag-ugnayan na rin anila sila sa National Telecommunications Commission (NTC), at sa iba pang mga kaugnay na ahensya para sa kaukulang imbestigasyon at aksyon patungkol sa insidente.
“The misuse of this system for political gain is unacceptable and will not be tolerated. We urge the public to remain vigilant and report any further misuse of the ECBS. Together, we can protect the integrity of our emergency alert systems and ensure they serve their intended purpose—keeping the public safe,” dagdag nito.