DRIVER NG SUV NA SUMALPOK SA NAIA ENTRANCE, LAYA NA MATAPOS MAGPIYANSA

Pasay City, Philippines — Magdadalawang linggo makalipas ang pagsalpok ng isang SUV sa departure entrance ng NAIA Terminal 1 noong ika-4 ng Mayo, nakalaya na ang driver nito matapos makapagpiyansa, ayon sa mga awtoridad.

Sa magkahiwalay na pahayag, kinumpirma ng kawani ng Manila International Airport Authority at ng Philippine National Police – Aviation Security Group ang pagkakatanggap sa bail order para sa 47 taong gulang na driver ng SUV at pagpapalaya na rito mula sa detensyon alinsunod sa utos ng korte.

Ayon sa MIAA, pinayagan ng Pasay City Regional Trial Court na makapagpiyansa ang driver sa halagang P100,000.

Ang naturang driver, nahaharap sa mga kasong reckless imprudence resulting in double homicide, multiple serious physical injuries, at damage to property.

Matatandaan na noong ika-4 ng Mayo, sumalpok ang naturang SUV sa departure area ng NAIA Terminal 1, na nagresulta sa pagkasawi ng isang 29 na taong gulang na lalaki, at isang apat na taong gulang na batang babae.

Sa inisyal na pahayag ng driver, nagulat aniya sya sa isang sasakyan na bumulaga sa harap nya dahilan para mawalan sya ng kontrol sa sasakyan. Sa halip na break, accelerator aniya ang naapakan nya.

Ang pahayag na ito, kabaliktaran ng kuha ng CCTV kung saan ang tinukoy nyang sasakyan na nag-cut umano sa kanya, nakaparada sa kanyang tabi.

Kasunod ng insidente, nag-negatibo naman sa drug at alcohol test ang naturang driver.

Share this