HABAGAT SEASON, NAGSIMULA NA; ILANG LUGAR, APEKTADO

Manila, Philippines — Opisyal nang idineklara ng national weather bureau na Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang pagsisimula ng Southwest Monsoon o ang Habagat Season nitong ika-30 ng Mayo.

Ayon sa mga nakalipas na weather analysis ng PAGASA, nakita ang pag-iral ng mababang lebel ng southwesterly winds sa Luzon, gayundin ang paghina ng Easterlies o ang mga hanging umiihip mula sa silangan pa-kanluran ng Pilipinas.

At ngayong tuluyan nang nagsimula ang panahon ng habagat, asahan na rin na malapit na ring magsimula ang panahon ng tag-ulan sa susunod na dalawang linggo.

Bunsod ng Habagat, asahan na ang minsanan hanggang madalas na mga pag-ulan at mga thunderstorms, partikular na sa mga lugar na nasa kanlurang bahagi ng bansa.

Ngayong unang Lunes sa buwan ng Hunyo, apektado ng hanging habagat ang Zambales at Bataan, kung kaya’t asahan na ang monsoon rains.

Hanging Habagat din ang maka-aapekto sa Metro Manila, Ilocos region, Cordillera Administrative region (CAR), maging sa nalalabing bahagi ng Central Luzon at ng Batanes.

Ang lagay ng panahong ito ay magdadala ng maulap na kalangitan na may kasamang kalat kalat na mga pag-ulan at thunderstorms sa mga nasabing lugar.

Apektado rin ng habagat ang nalalabi pang bahagi ng 

Luzon, kung saan asahan na ang bahagyang maulap hanggang maulap na mga kalangitan na may kasamang isolated rainshowers o thunderstorms.

Samantala, ganito rin ang magiging weather conditions sa Visayas at Mindanao region dala naman ng localized thunderstorms.

Dahil sa pag-iral ng habagat, ibayong paghahanda at pag-iingat ang abiso sa publiko lalo na at posibleng magkaroon ng mga baha at mga pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang malalakas na mga pag-ulan sa bansa.

Sa kasalukuyan, wala pang namomonitor ang PAGASA na low pressure area o namumuong sama ng panahon sa loob at labas ng Philippine Area of Responsibility.

Nitong Lunes, idinekalara na ng PAGASA ang onset ng rainy season para sa western sections ng Luzon at Visayas.

Share this