Pasay City, Philippines — Pasado alas-sais ng gabi ng ika-10 ng Hunyo, pormal nang nanumpa ang 22 senador bilang senator-judges makaraang magconvene ang Senado bilang impeachment court sa parehong araw.
Matatandaang nauna nang nanumpa si Senate President Francis “Chiz” Escudero na tatayo bilang presiding officer ng nasabing korte.
Bago ang panunumpa ng senator-judges ay nagkaroon ng mainit na debate sa pagitan ng ilang senador patungkol sa kung dapat muna bang unahin ang privilege speech ni senator Ronald “Bato” Dela Rosa” tungkol sa dismissal ng impeachment ni Duterte.
Buwelta naman ni senator Risa Hontiveros, dapat munang manumpa ang mga senador alinsunod sa napag usapang oras na alas kwatro ng hapon, bago dinggin ang mosyon ni Dela Rosa.
Samantala, kapansin pansin naman ang ilang mga senador na hindi nakasuot ng roba kumpara sa iba pang mga nanumpa.
Ito ay sina senator Robin Padilla, Cynthia Villar, at Imee Marcos, na kanya-kanya ring dahilan ang mga ito kung bakit hindi sila naka-roba, gaya na lang ng hindi sukat ang roba, o hindi sila natahian nito.
Sa kanilang privilege speech, sinabi ni ni Marcos na nanumpa siya ngunit hindi tinatanggap na balido o tama ang paraan ng pagsasampa ng impeachment complaint habang may reservations naman umano si Padilla kaugnay nito. Hindi naman naglabas ng paliwanag si Villar ukol dito.
Makaraang magconvene ang senado bilang impeachment court, inaksyunan na ang mosyon ni Dela Rosa, maging ang mosyon ni Senador Alan Peter Cayetano, na nagresulta sa pagbabalik ng mga impeachment articles sa Kamara. — Ruzzel Andante, Contributor