Pinagtibay ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na hindi maaaring manungkulan ang sinumang inihalal na opisyal na nabigong magsumite ng kanilang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE).
Alinsunod sa Section 14 ng Republic Act no. 7166 at Commission on Elections (COMELEC) Resolution no. 10730, ang lahat ng kandidato at political parties na tumakbo noong National at Local Elections (NLE) 2025, panalo man o natalo na hindi nakapagsumite ng kanilang SOCE sa ibinigay na deadline noong June 11, 2025 ay hindi papayagang manumpa ng DILG at papatawan ng karampatang parusa.
Ayon sa DILG, ang SOCE ay isang mahalagang bahagi ng transparency at accountability sa halalan at paggamit ng pondo sa kampanya, isa rin itong hakbang upang mapanatili ang integridad ng mga opisyal ng gobyerno at mapalakas ang tiwala ng publiko sa proseso ng eleksyon.
Bilang bahagi ng mandato nito na mangasiwa sa mga lokal na pamahalaan, ipinag-utos ng DILG sa lahat ng rehiyonal at field offices na makipag-ugnayan sa COMELEC para sa beripikasyon bago kilalanin ang anumang panunumpa o pag-upo sa posisyon.
Ang kabiguang maghain ng SOCE ay may kaakibat na administrative fines para sa mga kandidato sumasailalim. Kung paulit-ulit umano ang paglabag, maaaring humantong ito sa mas mabigat na parusa kabilang ang habambuhay na diskwalipikasyon sa paghawak ng pampublikong posisyon. via Ella Corazon