Manila, Philippines – Anim pang bagong kaso ng Monkeypox o Mpox ang naitala ngayon sa magkakahiwalay na probinsya sa bansa.
Tatlo ang galing sa Alabel Saranggani habang tig-iisa naman sa Tarlac, Leyte at Agusan Del Sur.
Sa post ng Health Promotion unit ng Tarlac, ito ang kauna-unahang kaso ng sakit sa probinsya.
Kasalukuyan na rin daw na nagpapagaling at nasa isolation facility ang pasyente mula pa noong May habang lahat ng mga nakasalamuha nito ay binabantayan na sakaling magpakita ng sintomas ng Mpox.
Naglabas naman kaagad ng advisory ang Provincial Health Office ng Agusan Del Sur, may travel history daw mula sa Davao ang kauna-unahan rin nilang kaso ng Mpox na nagpakita ng pimple-like rash sa symptoms sa muka kaya agad daw itong nagpakonsulta sa isang healthcare provider at doon nakumpirma na positibo siya sa Mpox.
Ang tatlo namang kaso na naitala rin są Saranggani kapwa mga babae, isa ang 73 years old na may travel history sa Polomolok, South Cotabato, habang ang isa pa ay 28 years old na may travel history rin na bumyahe sa General Santos City, at 37 years old ang pangatlong kaso.
Bukod sa tatlo, may 21 suspected case din na binabantayan sa probinsya kung saan karamihan sa mga ito may exposure sa mpox at may travel links din sa Polomolok.
Ang itinuring naman na suspected case ng Mpox sa Sogod Southern Leyte noong nakaaraang linggo nakumpirma na ng Rural Health Unit na may Mpox na isang 28 years old.
Kapwa naman nagpaalala ang bawat probinsya sakani-kanilang mga residente na nagagamot ang Mpox kaya’t hindi dapat mangamba lalo na kung ipagbibigay alam kaagad kung makaranas ng sintomas ng sakit upang maagapan at hindi na kumalat pa sa ibang mga indibidwal.
Una nang tiniyak ng Department of Health (DOH) na kontrolado sa bansa ang Mpox sa bansa kaya’t walang dapat ipangamba ang publiko.
Hindi rin kabilang ang Pilipinas sa public health emergency of international concern na inisyu ng World Health Organization (WHO).