San Juan, Philippines – Nagpatupad ng mas pinaigting na ordinansa ang lokal na pamahalaan ng San Juan para sa ligtas at maayos na selebrasyon ng Wattah Wattah Festival sa darating na Hunyo 24, 2025, na idineklara ring special non-working holiday sa lungsod.
Kabilang sa mga hakbang ng Local Government Unit (LGU) ay ang pagtatayo ng isang ‘Basaan Zone’ sa kahabaan ng Pinaglabanan Road, mula N. Domingo hanggang P. Guevarra Streets, kung saan pinapayagan lamang ang mga basaan activities mula 7:00 a.m. hanggang 2:00 p.m.
Mahigpit na ipinagbabawal ang pambabasa sa labas ng zone, pati na rin ang pagbubuhos ng maruming tubig, paggamit ng firetruck at high-pressure water sprayers, at iba pang mapanganib na aktibidad.
Sinumang lalabag ay pagmumultahin ng ₱5,000 at makukulong ng 10 araw. Para naman sa mga menor de edad, sila ay isasangguni sa City Social Welfare and Development, at pagmumultahin ang kanilang magulang.
Ayaw nang maulit pa umano ng pamahalaang lungsod ng San Juan ang insidente ni “Boy Dila” na nag-viral noong nakaraang taon dahil sa pambabasa ng mga motoristang hindi pabor na mabasa sa kabila ng pista.
Nagpataw din ng liquor ban ang lungsod mula 12:01 a.m. hanggang 2:00 p.m. sa Hunyo 24. Ang mga mahuhuling bumili o nagbebenta ng alak ay pagmumultahin din ng ₱5,000.
Ayon kay Mayor Francis Zamora, layunin ng mga patakarang ito na masigurong magiging payapa, ligtas at masaya ang selebrasyon ng pista. Nakipag-ugnayan na rin siya sa Eastern Police District at sa PNP para sa karagdagang police visibility sa lungsod sa araw ng pagdiriwang.
Samantala, idineklara ng Malacañang ang Hunyo 24 bilang isang espesyal na araw na walang pasok sa Lungsod ng San Juan bilang pagdiriwang ng Wattah nito! Wattah! Festival.