APAT NA OPISYAL NG DA, LIGTAS NANG NAKAUWI NG BANSA MATAPOS MA-STRANDED SA ISRAEL

Manila, Philippines – Ligtas nang nakauwi ng Pilipinas ang apat na delegado ng Department of Agriculture (DA) na na-stranded sa Israel matapos ang kanilang isinagawang study mission na magtatagal lang dapat ng isang Linggo.

Ayon sa DA, 11 araw namalagi ang mga opisyal sa isang hotel sa Central Isarel na dapat ay noong June 14 pa nakabalik sa Pilipinas, ngunit dahil sa kasalukuyang girian ng Israel at Iran at banta na rin sa regional airspace, nakansela ang kanilang flight pabalik.

Habang nasa Israel daw, naranasan ng apat na opisyal ang napakaraming missile attack at bomb alerts.

Sa kabila niyan, sinikap daw ng Philippine Embassy sa Israel at Israel for International Development Cooperation na agad mapalikas ang mga ito.

Una nang sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na kinabibilangan ng apat na opisyal sina Assistant Secretary Benjamin Albarece, DA-Philippine Carabao Center (PCC) Executive Director Liza Battad at mga opisyal ng National Dairy Authority na sina Rowena Bautista at Angelica Escanilla.

Nagtungo ang mga ito sa nasabing bansa para pag-aralan ang dairy industry doon at makakuha ng iba’t ibang kasanayan kung paano rin mapalalakas ang dairy production ng Pilipinas.

Sa ngayon bukod sa DA officials na nakabalik na ng Pilipinas, may unang batch na rin ng mga OFW mula sa iba’t ibang bansa sa Middle East na apektado ng sigalot sa Iran at Isarel ang matagumpay na na-repatriate.

Share this