AHTISA MANALO, BINAWI ANG KANDIDATURA SA ELEKSYON

Candelaria, Quezon — Umurong na si Miss Universe Philippines 2024 2nd runner up Ahtisa Manalo sa laban at kandidatura para sa pagka-konsehal ng bayan ng Candelaria, Quezon upang paghandaan ang kanya namang laban bilang isang beauty queen.

Sa isang press conference ng  political party na Suayan-Maliwanag Leaders Manalo nitong Martes, inanunsyo at kinumpirma ng kanyang ina na si Elsie ang desisyong ito ni Ahtisa, bilang pinaghahandaan nito ang kanyang muling pagsabak bilang kandidata sa Miss Universe Philippines 2025.

Ani Manalo, hindi naging madali ang kanyang naging desisyon, ngunit tinanggap aniya ang oportunidad na makalahok muli sa prestihiyosong beauty pageant, at muling bitbitin ang bayan ng Candelaria, Quezon sa kompetisyon.

Pinasalamatan nya ang mga sumuporta sa kanya noong inihain nya ang kanyang kandidatura, at humingi rin ng tawad sa mga ito dahil sa kanyang biglaang desisyon na umatras sa eleksyon.

Sa kabila ng kanyang pag-atras sa eleksyon, nangako si Ahtisa na taas-noo nyang bibitbitin ang pangalan ng kanilang bayan sa MUPH 2025, kasabay ng panawagan na patuloy syang suportahan sa kanyang panibagong pagsabak sa kompetisyon.

Samantala, naniniwala naman si Candelaria, Quezon Mayor Ogie Suayan na malaki ang magiging kontribusyon sa sektor ng turismo ng bayan sakaling manalo si Ahtisa sa Miss Universe Philippines 2025.

Share this