Ai Ai delas Alas at Asawang si Gerald Sibayan, Hiwalay Na!

Manila, Philippines – Kinumpirma na ng komedyanteng si Ai Ai delas Alas ang kanilang paghihiwalay ng asawang si Gerald Sibayan sa isang panayam kay Boy Abunda nitong Lunes, Nobyembre 11.

Ayon kay Ai Ai, naganap ang kanilang paghihiwalayan umano noong nakaraan Oktubre 14, dahil sa kanilang mga pagsubok sa pagkakaroon ng anak at mga hindi maresolbang isyu ng kanilang relasyon.

“Hiwalay na kami. Last month pa. Basta hindi ko makakalimutan. October 14, nag-chat siya, ta’s madaling araw sa Pilipinas. ‘Yun nga. Sinabi niya na gusto niya magkaanak at hindi na siya happy,” ani Ai Ai.

Isinapubliko ng komedyante ang kaniyang pagsubok sa pagsasailalim ng in vitro fertilization (IVF), na sa kasamaang palad, hindi nagtagumpay ng ilang beses.

Sa isyung third party naman, aminado rin si Ai Ai na siya ay may hinala, ngunit idiniin niyang anuman ang mangyari, kapag nagdesisyon na si Sibayan, wala na siyang ilalaban pa.

“Wala naman na akong ilalaban di ba? ‘Pag lumaban pa kasi ako kunyari nag-stay ako, parang alam ko naman iyong magiging ending eh,” aniya.

Sa sampung taon pagsasama ng dalawa, hindi na rin daw siya sobrang nagulat sa nangyari.

“Actually kasi nung nagpakasal naman ako kay Gerald, nire-ready ko naman ang sarili ko sa ganitong sitwasyon. Kasi alam ko na bata pa si Gerald baka magbago ang isip pero alam mo iyong, sana huwag,” paglilinaw ni Ai Ai.

Binigyan din niya ng dasal si Sibayan para matagpuan nito ang kaligayahan na hinahanap, pati na rin ang pagkakaroon ng anak.

“I hope iyong hindi ko pa naibigay sa iyo na hinahanap mong kaligayahan, sana makuha mo,” aniya.

Pagdiin pa ng komedyante, naging pinal ang kanilang pag-uusap at wala na siyang nakitang pag-asa sa pagbabalikan.

“Hindi na, kasi iyong messages namin parang wala nang pag-uusapan pa,” dagdag pa niya.

Ikinasal ang dating mag-asawa noong 2017 matapos ang tatlong taon na magkasintahan.

Share this