AKTIBONG KASO NG MPOX SA PILIPINAS, 15 NA– DOH

15 na ang aktibong kaso ng sakit na mpox sa bansa sa kasalukuyang taon, ayon sa ulat ng Department of Health (DOH) hanggang nitong ika-12 ng Setyembre.

Sa Metro Manila Council meeting nitong Miyerkules, kinumpirma ni DOH Undersecretary Gloria Balboa ang isang panibagong dagdag na kaso ng sakit sa bansa ngayong taon, na iniakyat na rin sa 24 ang kabuuang bilang ng kaso ng mpox sa bansa mula noong Hulyo 2022.

Sa inisyal na ulat ng DOH, ang panibagong kaso na ito ay mula sa National Capital Region na na-detect at kinumpirma ng Research Institute for Tropical Medicine noong Lunes, ika-9 ng Setyembre.

Batay sa datos ng DOH sa mga kumpirmadong kaso ng sakit, 11 na kaso ang mula NCR, tatlo ang galing sa CALABARZON region, habang isa mula sa Cagayan Valley.
14 dito ay mga lalaki, habang ang isang kaso ay babae.

Sa kabila ng dagdag na kaso, siniguro naman ng ahensya na lahat ng kumpirmadong kaso ng sakit sa bansa ay mayroong Mpox Clade II infection, na mas mild kung ikukumpara sa mayroon sa mga African countries.

Lahat din anila ng kumpirmadong kaso, maliban sa pinakabago, ay nagpapagaling sa sa kani-kanilang mga tahanan.

Kasunod nito, muling nagpaalala ang DOH na hindi airborne ang mpox ngunit maaaaring maipasa sa pamamagitan ng skin-to-skin contact gaya ng sexual contact, pagyakap, paghalik, o kaya ay sa mga infected at contaminated materials.

Hindi pa rin anila kailangang magkaroon ng lockdown o mandatoryong pagsusuot ng facemasks o faceshields, at sinabing patuloy pa rin ang surveillance, case finding, at community engagement ng DOH kaugnay ng mpox.

Sa Metro Manila Council meeting, nagkasundo rin ang mga alkalde ng Maynila na maglunsad ng mas maigting na information campaign tungkol sa sakit nang mas mabigyang kaaalaman ang publiko pagdating sa mpox at sa mga preventive measures laban dito.

Share this