AL JAZEERA, KINONDENA ANG PAGPASLANG NG ISRAEL SA MGA MAMAMAHAYAG SA GAZA

Naglabas ng pahayag ang news platform na Al Jazeera hinggil sa pag-atake ng Israel na pumaslang sa isang mamamahayag at iba pa nitong kasamahan sa Gaza. 

Noong Linggo ng gabi (Agosto 10, 2025), umatake ang Israel at tinamaan ang media tent ng mga mamamahayag sa labas ng Al–Shifa Hospital, kung saan biktima ang mamamahayag na si Anas Al Sharif.

Ayon sa mga report, kasama ni Sharif sa mga nasawi ang apat pang mamamahayag ng Al Jazeera na sina Mohammed Qreiqeh, cameraman Ibrahim Zaher, Moamen Aliwa, at ang kanilang katulong na si Mohammed Noufal.

Nagpahayag ng matinding pagkabahala at pagkadismaya ang Al Jazeera media tungkol sa pagpaslang sa mga mamamahayag bunsod ng pag-atake ng Israel.

Tinawag nila itong isang marahas na paglabag sa karapatang pantao. 

“The directive to eliminate Anas Al Sharif, one of Gaza’s bravest journalists, alongside his four fellow correspondents, is a desperate attempt to silence the voices exposing the impending seizure and occupation of Gaza,” pahayag ng media network.

Nanawagan naman ang Al Jazeera sa pandaigdigang komunidad at sa lahat ng kaukulang organisasyon na magkaroon ng konkretong hakbang upang tuldukan ang patuloy na malawakang pagpaslang at pag-atake sa mga mamamahayag.

Binigyan-diin din nito na ang pagbibigay-imyunidad sa mga salarin at kawalan sa pananagutan ay nagpapatibay ng loob sa Israel na lalo pang mang-api laban sa mga saksi sa katotohanan.

Samantala, depensa naman ng Israel, si Sharif ay konektado sa isang cell ng Hamas. Inakusahan siya na naglunsad ng mga raketa upang atakihin ang mga sibilyan at mga sundalo ng  Israeli.

Ayon naman kay Muhammed Shehada, isang analyst mula sa Euro-Med Human Rights Monitor, walang ebidensya na nagpapatunay na sangkot si Al Sharif sa anumang labanan.

Dagdag pa rito, inihayag ng Gaza medical team na hindi bababa sa 52 Palestino ang napatay sa mga pag-atake ng Israel sa iba’t ibang bahagi ng lugar noong Linggo.

Kinondena naman ng United Nations (UN) Security Council ang balak ng Israel na kontrolin ang lungsod ng Gaza at pilitin na ilikas ang halos isang milyong Palestino patungo sa masikip na lugar sa timog.—John Lloyd Demependan, Contributor

Share this