Quezon City, Philippines — Sa nalalapit na Midterm Elections sa Mayo, naglabas na rin ang Social Weather Stations (SWS) ng listahan ng mga partylist groups na nangunguna sa pulso ng masa.
Batay sa Voter Preference for Partylist survey ng SWS, nangunguna pa rin sa survey ang 4PS Partylist na nakakuha ng 10.44% sa survey ngayong Marso.
Sa nakalipas na survey mula noong Disyembre 2024 hanggang ngayong Marso, nanatili ang 4PS partylist bilang rank 1 sa naturang listahan.
Sinundan naman ito ng Duterte Youth Partylist sa rank 2 na nakakuha ng 8.42%.
Batay sa resultang ito, maaaring makakakuha ang 4PS at Duterte Youth ng tatlong pwesto sa House of Representative, dahil nakakuha ang mga ito ng 6.0% na boto.
Sumunod naman sa listahan ang ACT-CIS na may 5.29% at FPJ Bayanihan na may 4.17%, na maaaring maggarantiya sa kanila ng dalawang upuan sa Kongreso.

Ilan pa sa mga nanguna sa listahan ang Ako Bicol na may 2.51%, Asenso Pinoy na may 2.45%, Senior Citizens na may 2.28%, TGP na may 2.05%, at Agimat na may 2.00% na magbibigay sa kanila ng isang upuan sa kongreso.
Ang survey ay isinagawa noong ika-15 hanggang ika-20 ng Marso sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,800 na rehistradong botante bilang participants ng survey.