Manila, Philippines – Pinabulaanan ng Department of Budget and Management (DBM) ang alegasyon kaugnay sa delay na pagre-release ng pondo para sa infrastructure projects ng bawat distrito.
Matapos magpahayag ang National Unity Party ng disatisfaction sa liderato ni House Speaker Bojie Dy at maging ang planong pagtiwalag bilang kasapi ng majority bloc.
Pahayag naman ng DBM, bagamat nirerespeto ng tanggapan ang tungkulin ng kongreso, mahalaga aniyang klaruhin ang ilang legal na batayan para matiyak na may kaalaman ang taumbayan sa paanong paraan ginamit ang pondo.
Giit ng ahensya, hindi nila ginustong i-delay ang pagre-release ng mga pondo o maging ang paggawa ng mga polisiya na labas sa batas.
Binigyan diin nila lahat ng paglalabas ng pondo ay alinsunod sa 2026 General Appropriations Act — na mismong ang kongreso ang nagbalangkas at nagpasa para maisabatas na siyang inaprubahan ng pangulo.
Dahil sa mga kaso at alegasyon na kinasangkutan ng Department of Public Works and Highways, ipinaalala ng DBM na ang ilang mga locally funded infrastructure projects ay hinihingan na ng mas masusing evaluation at clearance bago ilabas ang pondo nito.
Bunsod ng pagbabagong ito sa mga proyekto, inilagay ang mga proyektong ito sa For Issuance of SARO (FISARO) o conditional release, at hindi na kasama sa GAA as the Allotment Order (GAAAO) para sa comprehensive release ng pondo.
Ayon kay NUP chairman Deputy Speaker Ronaldo Puno, sinabihan umano ang mga kongresista na kailangan pang ipa-bid ang mga proyekto at kung sino ang mananalo ang siyang makatatanggap ng SARO (Special Allotment Release Order).
Mariin naman itong pinabulaanan din ng DBM, kundi ipinapayo nila sa mga ahensya na gawin ng mas maaga ang early procurement activities short of award nang sa gayon ay mapabilis din ang implementasyon ng proyekto sa oras na available na ang hinihinging pondo.
Muling binigyang diin ng DBM na hindi nila maaaring ilabas ang pondo para sa isang proyekto na hindi pa nirerequest ng mga ahensyang nagpapatupad ng proyekto.
Batay anila sa batas, magsisimula lamang ang budget release sa oras na magsumite na ng mga official request ang isang implementing agency.
Sa huli, iginiit ng tanggapan ang kanilang mandato na pangalagaan ang pondo ng taumbayan at tiyaking nagagamit ang pondo sa mga programa ng gobyerno.