Manila, Philippines – Nakapagtala ang Philippine Statistics Authority (PSA) ng bahagyang pagbilis sa inflation rate sa Pilipinas sa buwan ng Nobyembre na may 2.5%.
Batay sa Summary Inflation report ng PSA para sa buwan ng Nobyembre, bumilis sa 2.5% ang antas ng headline inflation sa buwan na ito, kumpara sa 2.33% noong Oktubre.
Ininuugnay ng PSA ang paggalaw na ito sa bumilis ding annual increment o pagtaas ng presyo ng mga heavily-weighted food at non-alcoholic beverages ngayong buwan na naitala sa 3.4% mula sa dating 2.9% noong Oktubre, bukod pa sa mas mabagal na pagbaba sa sektor ng transportasyon.
Bunsod nito, bumilis din ang national food inflation na nasa 3.5% nitong Nobyembre, mula sa 3.0% noong Oktubre.
Ang pagbilis na ito sa food inflation ay bunsod naman ng pagtaas ng presyo ng mga gulay, tubers, plantains, cooking bananas, at pulses na nasa 5.9%, gayundin ang 0.4% na pagtaas sa index ng isda at iba pang seafood.
Samantala, bumilis din sa 2.5% nitong Nobyembre ang core inflation, kumpara sa 2.4% noong Oktubre.
Sa kabilang banda, bumilis din ang inflation rate sa National Capital Region (NCR) na naitala sa 2.2% nitong Nobyembre, na bunsod din ng mas mataas na annual increment sa heavily-weighted food at non-alcoholic beverages.
Habang wala namang naging pagbabago sa inflation rate sa areas outside NCR na nasa 2.6% pa rin nitong Nobyembre at Oktubre.