Manila, Philippines – Wala pang ebidensya ang nakapagsasabi na nakalabas na ng bansa ang gaming tycoon na si Charlie ‘Atong’ Ang sa Pilipinas sa gitna ng mga warrant of arrest laban sa kanya.
Ayon kay Department of Justice spokesperson Polo Martinez, hindi pa nabeberipika ang sinabi ng whistleblower na si Patidongan na nakaalis na ng Pilipinas si Atong Ang noong December.
Nabanggit niya na wala pang opisyal na impormasyon na nakalabas na ito ng bansa.
Kinumpirma umano ng Bureau of Immigration na walang travel record si Ang kamakailan.
Ngunit, nagbabala na rin si Martinez sa mga nagtangkang tumulong kay Ang para makaiwas sa pag-aresto ay maaaring makasuhan ng obstruction of Justice sa ilalim ng Presidential Decree 1829.
Gayundin, sinabi ni DILG Secretary Jonvic Remulla na walang record si Ang nakalabas na ng bansa gamit naman ang mga exit point sa Pilipinas.
Ilang lugar na ang sinuyod ng mga otoridad particular sa Porac, Pampanga at ilang bahagi sa Laguna matapos makatanggap ng lead sa kinaroroonan umano ni Ang.
Nakikipag-ugnayan na ang DILG sa DOJ at Department of Foreign Affairs para sa posibleng kanselasyon ng pasaporte ni Ang.—Krizza Lopez, Eurotv News