Manila, Philippines – Nakatakdang magsagawa ang National Food Authority (NFA) ng auction sa bigas na aabot ng hanggang 100,000MT o 1.2M na sako ng bigas.
Kinumpirma yan ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro matapos itong ipag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon sa NFA, nagkakahalaga lamang ng P25 hanggang P28 kada kilo ng bigas na maaring mabili sa auction.
Nilinaw naman ng NFA na bago maganap ang nasabing auction, una munang iaalok ang bigas sa mga Government Agencies gaya ng Department of Social and Welfare and Development (DSWD), Office of the Civil Defense (OCD) Bureau of Jail and Management Penology (BJMP), mga lokal na pamahalaan at private sector.
Kung hindi raw sila sumagot matapos ang limang araw mula nang ialok ito sakanila, ipapa-auction na ito sa publiko.
Ayon naman kay NFA Administrator Larry Lacson, prayoridad nilang makabili ang mga nabanggit, upang maiwasang mapunta ito sa mga mapansamantalang traders.
Samantala, nilalayon ng Pangulo, NFA at DA na bawasan ang mga bigas na nakaimbak sakanilang mga bodega lalo na at malapit na ang harvest season.
Pagbibigay daan daw ito para bigyang daan ang mga maaaning bigas ng mga magsasaka.
Samantala, maaari naman daw pumatak ang presyo ng ibebentang bigas sa P25 kung matagal ng nakaimbak habang P28 naman kung lampas na sa tatlong buwan ito nasa bodega.
Tinayak naman ng NFA na bagamat ang mga bigas ay hindi gaya ng mga bigas na nakikita sa merkado, fit for human consumption pa rin daw ito.