BAGONG 4-STOREY BUILDING, PLANONG ITAYO KAPALIT NG NASUNOG NA GUSALI SA SAN FRANCISCO HS; NATUPOK NA GAMIT, PAPALITAN — PBBM

Quezon City, Philippines – Para sa karamihan ng mga mag-aaral, ang unang araw ng eskwela ang inaabangan taon-taon.

Bagong gamit pang-eskwela, bagong mga kaklase, at bago ring mga silid-aralan.

Ngunit kabaliktaran nito ang sumalubong sa mahigit 700 estudyante ng San Francisco High School sa Bago Bantay Quezon City matapos kainin ng apoy ang isang gusali sa paaralan, isang araw bago ang balik-eskwela.

Bandang 10:45 ng umaga ng ika-15 ng Hunyo nang tupukin ng lumalagablab na apoy ang ikalawang palapag ng DAO building ng paaralan, habang nadamay na rin ang ilang bahagi sa unang palapag.

Ang sunog, iniakyat sa ikatlong alarma, bago tuluyang idineklarang fire out bandang 11:58 ng umaga.

Tatlong araw mula nang maganap ang sunog, bakas na bakas pa rin sa gusali ang natamo nitong pinsala mula sa pagliyab.

Ang mga silid-aralan sa ikalawang palapag ng gusali, tupok na tupok mula sa sunog, habang maging ang mga silya ay bakal na lamang ang natira. 

Kita rin ang mga naiwang debri na resulta ng apoy na lumamon sa gusali, na magsisilbi sanang silid aralan ng halos 720 na mga mag-aaral, bukod pa sa library area.

Hindi pa tuluyang nakukumpirma ang sanhi ng sunog, ngunit, electrical issues ang pangunahing anggulo ngayon ng Bureau of Fire Protection (BFP).

Sa kabila nito, naituloy pa rin ang pagbubukas ng eskwela noong June 16, kung saan inilipat na lamang muna ang mga mag-aaral sa ibang gusali para sa pansamantalang silid-aralan.

Nitong Miyerkules, ika-18 ng Mayo, personal na ininspeksyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang natupok na gusali sa paaralan, bitbit ang mga assistance na ibibigay ng gobyerno bilang tugon sa insidente.

Kasama nya sa naging inspeksyon si Department of Education secretary Sonny Angara, na nagpaabot din ng mga magiging plano at hakbang ng ahensya upang matulungan ang mga apektado ng sunog.

Una na dito, inatasan na ng pangulo ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na simulan na ang planong rekonstruksyon sa gusali, na kakailanganin nang palitan ng bago bunsod na rin ng pinsala ng sunog.

Ang planong bagong gusali, magiging four storey na mula two, at magkakaroon na ng 36 na classrooms, na tinatayang makakapag-accommodate ng 1,200 hanggang 1,500 na mga estudyante. Tinataya ring aabutin ng isang taon ang pagbuo rito.

Nangako rin ang pangulo na papalitan ang mga nasira at napinsalang kagamitan mula sa sunog, kabilang na ang mga school supplies at equipments para sa mga estudyante, maging sa mga kaguruan.

Sa parte naman ng DepEd, siniguro ni Sec. Angara na may mga nakahanda na rin daw na aid at assistance ang ahensya bilang tugon sa naging insidente.

Bukod pa ito sa inilaang P100,000 na pondo ng DepEd para matugunan ang mga immediate needs para sa apektadong paaralan.

Nagpaabot na rin aniya Alumni Association ng paaralaan at ang lokal na pamahalaan ng Brgy. Sto Cristo ng mga pintura, toilet fixtures, at manpower para sa mga pasilidad na kailangang isaayos.

Siniguro rin ni Angara na patuloy na imomonitor ng ahensya ang sitwasyon sa paaralan at magpapaabot ng mga kakailanganin pang tulong at assistance. | via Mia Layaguin

Share this