Manila, Philippines – Bilang tugon sa lumalalang isyu ng bullying at mental health crisis sa bansa, pinirmahan na ang Republic Act No. 12080 o Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act, Disyembre 9.
Ayon kay Senador Win Gatchalian, pangunahing may-akda ng batas, malaking hakbang ito upang labanan ang bullying sa mga eskwelahan at suportahan ang mental health ng kabataan.
Layunin ng batas na itatag ang School-Based Mental Health Program upang magbigay ng tulong sa mental health ng mga mag-aaral, kabilang ang mental health first aid, crisis response, at iba pang serbisyong makatutulong sa kanilang kapakanan.
“Itinuturing ang Pilipinas na bullying capital of the world at nakakaranas din ang ating mga kababayan ng tinatawag nating ‘pandemya’ ng mental health. Sa pagtiyak nating abot-kamay ang mga serbisyong pang-mental health, magagabayan natin ang ating mga mag-aaral na maging matatag, mapipigilan natin ang mga pagkamatay dahil sa suicide, at maisusulong natin ang kaligtasan sa ating mga paaralan,” ani Gatchalian.
Samantala, naghayag din ng mensahe si Presidente Bongbong Marcos ukol sa pagpirma nito, “The Basic Education Mental Health and Well-Being Promotion Act addresses the often overlooked but vital aspect of mental health in schools. It ensures that our learners and school personnel are emotionally and mentally equipped to excel, even in the face of these modern challenges.” saad ni Pres. Marcos.
Dagdag pa rito, magkakaroon din ng Care Centers sa bawat pampublikong paaralan na pamamahalaan ng mga kwalipikadong guidance counselors o psychologists.
Itinatampok din dito ang paglikha ng Mental Health and Well-Being Offices sa bawat Schools Division Office upang tugunan ang mental health needs ng mga mag-aaral at DepEd personnel.
Epektibo ang batas sa mga pampubliko at pribadong paaralan, kabilang din ang mga naka-enroll sa Alternative Learning System (ALS).
Kabilang din sa mga pinirmahang batas ngayong araw ay ang The Act Amending the Agricultural Tariffication Act at ang Value-Added Tax Refund for Non-Resident Tourists Act, na layuning palakasin ang potensyal ng sektor ng agrikultura at turismo sa bansa.