BAHAGYANG PAGTAAS SA SINGIL SA KURYENTE NGAYONG BUWAN, DULOT NG MAS MATAAS NG ANCILLARY SERVICE — NGCP

Manila, Philippines – Asahan ng mga konsumer ang bahagyang pagtaas sa singil sa kuryente ngayong buwan sa mga lugar na sineserbisyuhan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP).

Ayon sa NGCP, ang pagtaas ay bunsod ng mas mataas na halaga ng Ancillary Services (AS) — mga gastusing ipinapasa ng mga power generator upang mapanatiling balanse at matatag ang supply ng kuryente sa transmission grid.

Batay sa anunsyo ng NGCP, tumaas ng ₱1.51 kada kilowatt-hour (kWh) ang transmission rates na ipapataw sa mga power distributor gaya ng Manila Electric Company (Meralco) at iba pang power cooperatives na kumukuha ng suplay mula sa grid.

Paliwanag ng NGCP, ang Ancillary Service ay tumutukoy sa kuryenteng ginagamit upang mapanatili ang balanse ng grid sa mga pagkakataong may biglaang pagtaas o pagbaba ng demand o suplay ng kuryente. Kinukuha ito mula sa AS reserve market o sa mga power generator na may direktang kontrata sa NGCP.

Nilinaw din ng kumpanya na hindi sila kumikita mula sa pagtaas ng AS rates sapagkat direktang ibinabayad ang mga ito sa mga generating companies na naglalaan ng nasabing serbisyo.

Share this