Manila, Philippines – Matapos ang sunod-sunod na malalaking dagdag-presyo sa produktong petrolyo, maaaring makaranas ng bahagyang ginhawa ang mga motorista sa susunod na linggo.
Ayon sa pagtataya ng oil industry source batay sa galaw ng Mean of Platts Singapore o MOPS sa nakalipas na apat na araw, inaasahang bababa ang presyo ng diesel mula lima hanggang anim na piso kada litro.
Habang ang gasolina ay maaaring manatiling walang galaw o bahagyang bumaba ng hanggang isang piso kada litro.
Karaniwang inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang opisyal na price adjustment tuwing Lunes at ipinatutupad ito kinabukasan, araw ng Martes.
Matatandaang nitong Abril 7, nagpatupad ang mga oil company ng panibagong big-time price hike kung saan nadagdagan ng anim na piso kada litro ang gasolina, halos bente pesos naman sa diesel, at mahigit siyam na piso sa kerosene.
Ito na ang ika-14 na price adjustment ngayong taon, na nagresulta sa kabuuang net increase na mahigit limampung piso sa gasolina, lampas isang daang piso sa diesel, at higit walong piso sa kerosene.
Iniuugnay ang inaasahang rollback sa kasunduang tigil-putukan sa loob ng dalawang linggo sa pagitan ng United States at Iran.
Nauna nang pumayag si Donald Trump sa ceasefire sa Iran ilang oras bago ang itinakdang deadline para muling buksan ang Strait of Hormuz.
Ang nasabing ruta ay isa sa pinakamahalagang daanan ng suplay ng langis sa buong mundo, kaya’t anumang tensyon dito ay direktang nakaaapekto sa presyo ng petrolyo sa global market.–Krizza Lopez, Eurotv News