BIKE TO WORK PROGRAM, IPINATUTUPAD SA MARIKINA LGU

Manila, Philippines – Ipinatutupad ng lokal na pamahalaan ng Marikina City ang “Bike to Work” program para sa mga empleyado nito, bilang bahagi ng patuloy na pagsusulong ng lungsod bilang isang bike-friendly na komunidad.

Ayon kay Mayor Maan Teodoro, inatasan ang Bikeways Office na tiyaking fully functional ang lahat ng end-of-trip facilities para sa mga empleyado at siklista. Kabilang dito ang mga lugar na maaaring pagpalitan ng damit, pahingahan, at paghahandaan bago pumasok sa trabaho.

Bahagi rin ng programa ang “Padyak Papasok” na magbibigay ng insentibo sa mga departamento na makakapagtala ng pinakamaraming empleyadong nagbibisikleta. Tatakbo ang naturang inisyatiba hanggang Disyembre ngayong taon.

Dagdag pa rito, kabilang sa mga hakbang ng alkalde ang paglalagay ng mga bike racks sa iba’t ibang paaralan sa lungsod. 

Hinikayat din nito ang mga business establishment na maglagay ng sariling bike racks upang mas maging bukas at accessible ang kanilang lugar para sa mga siklista.

Layunin ng programang ito na isulong ang mas ligtas, mas malusog, at mas environment-friendly na paraan ng pagpasok sa trabaho para sa mga mamamayan ng Marikina.

Share this