Manila, Philippines – Sa pinagsama-samang epekto ng pananalanta ng Habagat, ang mga bagyong Crising, Dante, at Emong sa Pilipinas, patuloy ang paglobo ng pinsala sa agrikultura, imprastraktura, at bilang ng mga nasawi.
Batay sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) kaninang alas sais ng umaga, 25 na ang naitalang nasawi dahil sa sunod-sunod at sabay na pananalanta ng mga bagyo.
Walo ang naitalang nasugatan at walong katao rin ang napabalitang nawawala.
Sa datos na naitala ng NDRRMC, lumobo pa sa 1,065,779 na pamilya apektado ng mga bagyo, katumbas ito ng 3,849,624 na indibidwal.
47,522 na pamilya sa datos na ito ang nanunuluyan sa mahigit sa 1,200 na evacuation center at 27,685 na pamilya naman ang piniling tumuloy sa mga kamag-anak o sa ibang lugar.
Samantala, tinatayang nasa 399,905,285 ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura.
Mahigit sa tatlong bilyong halaga ang pinsala sektor ng imprastraktrura.
Naitala ang malaking pinsala sa imprastraktura sa region 3 na naging sentro rin ng masamang panahon.
Kahapon, pinulong ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang kaniyang gabinete para pag-usapan ang hakbangin sa pagtulong sa mga pilipinong nasalanta. —Krizza Lopez, Eurotv News