BILANG NG NASAWI SA LINDOL SA CEBU, UMAKYAT NA SA HALOS 80-NDRRMC

Manila, Philippines – Umabot na sa 79 ang bilang ng mga nasawi sa malakas na lindol na yumanig sa lalawigan ng Cebu, ayon sa pinakabagong ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Nadagdagan ng tatlo ang naitalang nasawi mula sa 76 kahapon, habang nananatili naman sa 559 ang kabuuang bilang ng mga sugatan.

Ayon sa NDRRMC, tinatayang higit sa 216,000 pamilya, o katumbas ng mahigit 747,000 indibidwal, ang apektado ng lindol sa iba’t ibang bahagi ng rehiyon. Patuloy ang isinasagawang relief operations para sa mga nasalanta.

Sa kasalukuyan, umabot na sa ₱416 milyon ang halaga ng tulong na naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong lugar, kabilang ang pagkain, inuming tubig, gamot, at iba pang pangunahing pangangailangan.

Patuloy naman ang pagmomonitor ng mga awtoridad sa posibleng aftershocks at karagdagang pinsala sa imprastruktura. 

Pinayuhan din ang publiko na manatiling alerto at sumunod sa mga abiso mula sa lokal na pamahalaan at disaster response teams.

Share this