Manila, Philippines – Itinaas ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang blue alert status nitong Biyernes upang mabantayan ang posibleng epekto ng Tropical Depression “Isang” at masigurong maayos ang koordinasyon sa mga kinauukulang ahensya at tanggapan ng pamahalaan para sa agarang pagtugon.
Sa ilalim ng Memorandum Blg. 214, s. 2025, inilagay ng NDRRMC sa ilalim ng blue alert ang kanilang operations center, “pangunahing bilang paghahanda sa dahan-dahang pagdating ng sakuna o inaasahang paglala ng sitwasyon, na nangangailangan ng piling tauhan na naka-duty.”
Ang mga pangunahing tauhan mula sa Office of Civil Defense (OCD), kasama ang mga Detailed Duty Officers (DDOs), ay inatasan ding mag-duty sa operations center.
As of 1:00 p.m., namataan si Isang sa bahagi ng Maddela, Quirino, at kumikilos ito pa-kanlurang hilagang-kanluran sa bilis na 20 kph. Taglay nito ang lakás ng hangin na hanggang 55 kph at bugso na umaabot sa 90 kph.
Itinaas naman ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) ang Tropical Cyclone Wind Signal No. 1 sa mga sumusunod na lugar: Cagayan, Isabela, Quirino, Nueva Vizcaya, Apayao, Kalinga, Abra, Mountain Province, Ifugao, Benguet, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Aurora, at ang hilagang bahagi ng Nueva Ecija (mga bayan ng Lupao, Carranglan, Pantabangan, San Jose City).
Samantala, nagbabala ang Department of Health (DOH) sa publiko laban sa pagtagos sa baha, dahil maaari silang magkaroon ng leptospirosis.