BONG GO, ERWIN TULFO, TOP RANK SA FINAL OCTA SURVEY BAGO ANG ELEKSYON 2025

Manila, Philippines — Bukod sa mismong kampanya at plataporma ng mga kumakandidato sa 2025 National and Local Elections, malaki rin ang naging papel ng kaliwa’t kanang voter preference surveys upang makilala ang mga kandidatong napupusuan ng masa na iboto sa darating na halalan.

At ngayong mayroon na lamang limang araw bago ang mismong araw ng eleksyon, sino-sino nga ba ang mga kumakandidato sa pagkasenador na napipisil ng publiko na iboto, batay sa final voter preference survey ng OCTA Research?

Sa Tugon ng Masa Survey 2025 Senatorial Preferences report ng OCTA Research noong ika-20 hanggang ika-24 ng Abril, tie sa rank 1-2 si incumbent Senator Bong Go  na may 56.8% na boto, at si ACT-CIS Partylist representative Erwin Tulfo na may 52.7% na boto kung ngayon isinagawa ang eleksyon.

Si Go rin ang nangunang senatorial candidate sa nakalipas na OCTA survey.

Sinundan sila nina dating Senate President Tito Sotto na may 42.3%, Senator Bato Dela Rosa na may 40.8%, Ben Tulfo na may 40.2%, Senator Pia Cayetano na may 39.1%, at Senator Bong Revilla JR. na may 38.1%.

Kabilang din sa mga nangunguna sa listahan sina outgoing Makati mayor Abby Binay, Senador Lito Lapid, dating Senador Ping Lacson, Camille Villar, dating Senador Bam Aquino, Willie Revillame, dating Senador Manny Pacquiao, Senadora Imee Marcos, dating Interior and Local Government secretary Benhur Abalos, Atty. Rodante Marcoleta, at si dating Senador Kiko Pangilinan.

Share this