‘BOY DILA’ HUMINGI NG PAUMANHIN SA PUBLIKO

MANILA, PHILIPPINES – Humingi na ng paumanhin sa publiko si Lexter Castro o mas kilala ngayon bilang “Boy Dila”, yan ay matapos syang iharap sa media ni San Juan City Mayor Francis Zamora.

Kasunod yan ng nag viral nitong video online na panunutok ng water gun sa isang rider na napadaan lamang habang ginugunita ang Wattah Wattah Festival sa naturang lungsod.

Kasabay nyan emosyonal naman itong nanawagan sa publiko na tigilan na ang mga pagbabanta na kanyang natatanggap at wag ng idamay pa ang kanyang pamilya.

“Sa lahat po, humihingi po ako ng paumanhin sainyo sa mga nasabi ko po sainyo lalong lalo na po sa rider humihingi po ako ng tawad sainyo, tsaka sa mga nagbabanta po sa akin hindi ko na rin po maisip kung amo po, naiistress na rin po ako na kung ano ano na rin po lumalabas sa pagbabanta po sa akin lalo na po sa pamilya ko wag niyo na po sila idamay kung may galit po kayo sakin ako na lang po ang anuhin nila dahil masakit po sa akin na nadadamay po ang pamilya ko.” sabi ni Lexter Castro sa media briefing sa San Juan

Bukod pa riyan ang wala pa ring tigil na pambabatikos na natatanggap ng lungsod matapos ang mga videos na nagkalat sa social media, kung saan isa si Lexter sa mga mainit sa mata ng publiko dahil sakanyang hindi magandang asal na naipakita.

Nais rin daw nyang matuldukan na ang pagkakadamay ng imahe ng kanilang lungsod sa taumbayan.

“Isa nga po talagang pinangagalingan ng galit ng napakaraming tao na ako mismo talaga ay nagalit din ay ito nga pong si Lexter sapagkat yung mga videos po na kumakalat kung saan ay a binabaril nya ng water gun yung isang nag momotor at nilalabas nya ang kanyang dila ay sa kasamaang palad ang naging mukha ng Wattah Wattah Festival sa taong ito.” Pahayag naman ni San Juan Mayor Francis Zamora

Ayon pa kay Lester dahil daw sa mga nangyari, kabi-kabilang banta sa buhay na ang kanyang natanggap.

Bukod pa riyan samu’t saring fake booking din ang dumadating sakanila na nakapangalan sakanya.

“Sa tutuusin po hindi ko na po sila mabilang ang dami pong nagbabanta sa akin na kesyo po babarilin na lang, sa akin po aminado naman po akong mali ako sa nagawa ko, humihingi na po ako ng paumanhin sa mga naabala ko pong tao lalong lalo na po sa rider na nabasa ko,” Castro

“Fake book, wag niyo na pong gawin yun sa karamihan po na tao sila po yung naaabala niyo hindi naman po ako saka maawa na po kayo sa mga seller, rider sa mga fast food na inoorderan niyo ng pagkain sakanila na lang po kayo maawa, wag na po sa akin.” dagdag pa nito

Sa kabila ng ginawang aksyon ni Lexter, ipinunto naman ni Zamora na  wala itong nalabag na City ordinance base na rin daw yan sa konsultasyon ng abogado at City Administrator ng lungsod.

READ: KAGULUHAN SA BASAAN FESTIVAL, IPINAGPAUMANHIN NG SAN JUAN CITY

Gayunpaman Nilinaw ng alkalde na depende pa rin daw ito sa naperwisyo nyang rider kung maghahain ng pormal na reklamo laban sakanya.

“Ngunit kung sakaling yung rider na binasa nya nasira ang cellphone, laptop pwede syang makasuhan ng reckless imprudence resulting to damage property, pero depende ngayon yan kung ang rider na ito ay pupunta dito upang mag file ng complain” ani Zamora

Samantala handa naman daw na humingi ng personal na paumanhin si Castro sa rider na kanyang na perwisyo.

Kinumpirma naman ni Zamora na residente ng kanilang lungsod si Lexter .

READ: PERWISYO SA BASAAN FESTIVAL HINDI NA MAUULIT – ZAMORA

Patuloy naman itong nanawagan sa publiko na alisin na ang imaheng hindi maganda sa San Juan dahil lang sa pangyayari na inihingi na nila ng paumanhin.

Umasa rin daw ang publiko na sa susunod na kapistahan, hindi na ito mauulit pa.

Nakatakda rin daw nilang hilingin sa Malacañang na ideklara bilang special holiday ang Wattah Wattah o Basaan Festival sakanilang lungsod upang maipagdiwang ito kasama ang kanilang mga residente na walang iniisip na pangamba na mababasa sila papasok sa trabaho o paaralan.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

Share this