Manila, Philippines – Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa ng senado ang isa sa mga priority bill na inirekomenda ng pangulo na Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act.
Sa botong 17-0, naipasa ang panukalang batas na layong magbigay ng full disclosure sa publiko kaugnay sa lahat ng budget related documents ng gobyerno sa pamamagitan ng digital platform.
Ayon kay Senator Bam Aquino, na siyang principal sponsor ng CADENA act posibleng walang tyansa na makalusot ang transparency measure kung hindi nangyayari sa kasalukuyan ang imbestigasyon sa maanomalyang flood control project.
Giit niya, dahil sa pagbabantay publiko sa imbestigasyon, nagkaroon ng tyansa na makapasa ito sa senado.
“If you look at this transparency measure, kung hindi nangyayari iyong nangyayari na investigation, palagay ko walang chance iyan. Pero dahil iyong taumbayan nakatutok dito ngauon na may mangyaring pagbabago sa sistema na nagdulot ng ganitong klaseng corruption, may tsansa iyang mapasa,” Aquino said.
Sa ilalim ng transparency measure, binibigyang mandato nito ang lahat ng ahensya ng gobyerno ang regular na pag-uupload ng detalyadong budget sa bawat kontrata, gastusin sa mga proyekto, bills of materials, at procurement records.
Tinitiyak ng CADENA bill na lahat ng dokumento ay nabubuksan ng publiko, hindi kayang baguhin ang mga detalye, traceable, open-source at kayang maberipika.
Maaari makasuhan ng kasong administratibo at kriminal ang mga opisyal ng gobyerno na mabibigong ilabas ang mga mahahalagang dokumento.
Kasunod ng pagpasa ng CADENA bill sa senado, nananawagan si Aquino sa kamara na madaliin ang pagsasabatas ng panukalang batas, bilang pagsuporta sa hangarin na matiyak na ang bawat piso mula sa pondo ng taumbayan ay napupunta sa tama.—Krizza Lopez, Eurotv News