Manila, Philippines – Magsisimula na bukas, August 28 hanggang October 11, 2025 ang campaign period ng mga kandidato para sa BARMM Parliamentary Election na magaganp sa October 13 ngayong taon.
Kaakibat nito, ang ilang paalala ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga kandidato.
Kabilang sa mga ipinagbabawal ng komisyon na gawin ng mga ito ang anumang uri ng pamimigay ng pera kahit pa ito ay donasyon na mula sa kanyang asawa o sinumang kaanak.
Bawal din silang gumamit ng special policemen o kahit confidential agents.
Kung ang kandidato naman ay kasalukuyang nakaupo sa posisyon, bawal siyang magtalaga ng bagong empleyado local man o sa nasyonal.
Habang tumatakbo rin ang kampanyahan, hindi pwedeng magtaas ng sahod o magbigay ng benepisyo sa kanilang mga empleyado ang mga kandidato.
Ang paggasta rin sa pondo ng bayan ay mahigpit din na ipinagbabawal kabilang na dyan ang pagpapatayo ng anumang kalseng imprastraktura.
Ipinagbabawal din sa mga kandidato ang paggamit ng pulis o provincial guards bilang personal na bodygyuards, maliban kung aprubado ito ng Comelec.
Inanunsyo naman ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia na ipagpapatuloy na nila ang pag-imprenta ng mga balota base sa 73 distrito kasabay ng pagsisimula ng kampanyahan.
Matatandaan na pansamantalang sinuspinde ang printing ballots ng Comelec matapos na pumasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) ang Parliament Bill No. 351 o ang Bangsamoro Redistricting Act of 2025 na layon hatiin ang pitong parliamentary district seats na dati ay nasa Sulu lamang.
Samantala, may natitira na lamang na halos 40 araw ang COMELEC para sa paghahanda sa nasabing halalan.—Vanessa Cleofas, Eurotv News