Manila, Philippines – Naglabas ng public advisory ang Pamahalaang Lungsod ng Cebu City na nagsasabing nasa Heightened State of Economic and Operational Preparedness na ang lungsod dahil sa posibleng pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado dulot ng umiigting na tensyon sa Gulf region.
Ayon sa city government, maaaring tumaas sa mga susunod na linggo ang presyo ng fuel na posibleng makaapekto sa gastos sa transportasyon, pagkain, at iba pang pangunahing bilihin.
Bilang paghahanda, inatasan ang lahat ng departamento ng lungsod na mahigpit na pamahalaan ang paggamit ng fuel. Tiniyak din na gagamitin lamang ang mga sasakyang pag-aari ng pamahalaan para sa mahahalagang serbisyo upang mapangalagaan ang pondo ng lungsod at matiyak ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko.
Inihayag din ng lungsod na posibleng tumaas ang gastos sa garbage disposal. Sa kasalukuyan, umaabot sa humigit-kumulang ₱500 milyon kada taon ang budget para dito. Ngunit dahil sa paglilipat ng residual waste disposal sa Aloguinsan, Cebu, maaaring umabot sa ₱1 bilyon ang gastos, at posibleng pumalo pa sa ₱1.5 hanggang ₱2 bilyon depende sa magiging galaw ng presyo ng fuel.
Dahil dito, hinihikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente na makiisa sa waste reduction sa pamamagitan ng wastong paghihiwalay ng basura, pagko-compost ng biodegradable waste, at pagre-recycle upang mabawasan ang basurang dinadala sa landfill.
Pinaghandaan din ng lungsod ang posibleng pagtaas ng presyo ng pagkain. Hinihikayat ang bawat pamilya na magtanim ng sariling gulay sa bakuran o sa container gardening upang makatulong sa food security.
Nanawagan din ang pamahalaang lungsod sa publiko na magtipid sa paggamit ng kuryente at tubig sa pamamagitan ng pagpatay ng mga ilaw at appliances na hindi ginagamit at pag-iwas sa labis na konsumo ng enerhiya.
Ayon sa lungsod, mahalaga ang disiplina, paghahanda, at pagkakaisa ng mamamayan upang mapanatiling matatag, handa, at matibay ang Cebu City sa gitna ng mga posibleng hamon sa ekonomiya.