Cebu City – Sinimulan ni Vice Mayor Raymond Alvin Garcia ang kaniyang anim na buwang panunungkulan bilang Acting Mayor sa pamamagitan ng pag-uutos ng agarang pagsasaayos sa mga natitirang hindi pa nababayarang suweldo ng apat na empleyado ng Cityhall.
Inatasan ni Garcia, na umupo bilang acting mayor simula Lunes, Mayo 13, 2024, ang kanyang itinalagang City Administrator na si Christine Joyce Batucan na imbestigahan ang mga ulat ng harassment laban sa apat na empleyado.
Ang apat na regular na empleyado, na mga tax mapper sa ilalim ng City Assessor’s Office, ay nagsampa ng reklamo sa Civil Service Commission-Central Visayas matapos silang ma-reassign at kalaunan ay hindi nabigyan ng 10 buwang halaga ng kanilang suweldo.
Naglabas ang Department of the Interior and Local Government Region 7 ng memorandum kay Garcia noong Biyernes na nag-uutos sa kanya na umupo bilang acting mayor.
“I am asking everyone to keep things normal in city hall.” saad ni garcia.
“Ipakita nato sa tanan (Let us show them), constituents and stakeholders, the business community, private sector, and all government agencies.that Cebu City is in capable hands because of all of you,” dagdag ni garcia.
Binaggit pa ng acting mayor na itutuloy niya ang mga programang nauna nang binalak ni Rama, lalo na ang Palarong Pambansa.
Ang Cebu City ang magiging host ng national sporting event ngayong Hulyo.
Ani Garcia, aaprubahan niya rin ang pagpapalabas ng mid-year bonus ng mga empleyado ngayong Mayo 15.