Manila Philippines — P60 Million, yan ang halagang sinisingil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa China dahil sa mga nasirang kagamitan ng militar sa insidenteng nangyari sa Ayungin Shoal noong June 17.
Ayon kay AFP Chief Gen. Romeo Brawner Jr. nakasaad umano sa isang liham na ipinasa niya sa Department of National Defense.
Nakatakda raw ipasa ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. sa gobyerno ng China.
“Dun sa aking sulat I demand the return of seven firearms, yung pong mga baril na yun ay kinuha ng mga China Coast Guard na naka-box, naka-box kasi yung mga armas na yun kaya’t dinampot na lang nila yung mga pitong riple at sinira nila yung ating mga kagamitan and when we estimated the cost of the damage its PHP60 million,” ani Brawner.
Bukod sa ipinapasauling pitong rifles na inagaw ng Chinese Coast Guard personnel sa tropa ng militar, dalawang rigid-hull inflatable boats ang nasira ng CCG personnel.
Pinapabayaran din ng AFP ang gastos sa pagpapagamot sa naputol na daliri ni Seaman First Class Jeffrey Facundo dahil sa insidente.
Sa isang pahayag iginiit ng Chinese Foreign Ministry na nagsasagawa umano ng illegal na ‘resupply mission’ ang Pilipinas na labag daw sa territorial waters ng China.
Sabi pa ng China ginawa lamang ng kanilang tauhan na depensahan ang tinawag nilang soberanya ng China.
Binalaan pa China ang Pilipinas na harapin ang kapalit ng mga aksyon nito sa karagatang inaangkin ng China.
Wala pang pahayag dito ang Department of Foreign Affairs (DFA), pero sa katatapos lang ng ika-9 na Bilateral Consultation Mechanism on the South China Sea (BCM) sa pagitan ng Pilipinas at ng China, iginiit ng Pilipinas ang posisyon ng bansa sa Ayungin Shoal.
Read: PBBM, IPATATAWAG ANG CHINESE ENVOY KAUGNAY SA AYUNGIN INCIDENT