COMELEC, HINDI NA MAANTAY PA ANG PANUKALANG REDISTRICTING BILL; PAG-IMPRENTA NG BALOTA PARA SA BARMM ELECTION, MULING SINIMULAN

Manila, Philippines – Muli nang sinimulan ng Commission on Elections (COMELEC) ang pag-imprenta ng mga balotang gagamitin sa BARMM Parliamentary Election na nakatakda sa October 13 ngayong taon.

Ito ay matapos maantala ang orihinal na petsa dapat ng komisyon sa ballot printing dahil sa naipasang panukala ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) na Redistricting Bill.

Hindi na raw maaantay pa ng Commission on Elections (COMELEC) na tuluyang maipasa pa ang Parliament Bill No. 351 o ang Bangsamoro Redistricting Act of 2025 na lumusot kamakailan sa ikatlo at huling pagbasa ng BTA na naglalayong hatiin ang pitong parliamentary district seats sa buong rehiyon na dati ay pinaghahatian lamang ng mga taga Sulu.

Ayon sa Comelec hanggang ngayon ay hindi pa rin daw ito tuluyang nalalagdaan bilang isang ganap na batas.

Kaya naman napagdesisyunan na ng Comelec En Banc na ipagpatuloy ang ballot printing. 

Sabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, gagahulin na sila sa oras ng paghahanda para sa halalan kung hindi pa nila sisimulan ang pag-iimprenta ng mga balota.

Wala na raw kailangan pang baguhin sa balota maging sa listahan ng mga kandidato na una na nilang naihanda.

Susundin din daw ng komisyon ang petsa kung kailan ang deployement ng mga balota, machine at iba pang gagamitin sa eleksyon. 

Magiging katuwang naman ng Comelec sa ballot printing ang National Printing Office at Miru Joint Venture.

Kung saan ang mga balota ay para sa Tawi Tawi, Basilan, Maguindanao Del Sur at Maguindanao Del Norte.

Kasama rin dito ang Lanao Del Sur at Special Geographic Area.

Samantala, nakatakda pa rin daw makipag-ugnayan si Garcia sa mga namumuno sa BARMM para irekomenda na punan na lamang ang pitong posisyon pagkatapos ng BARMM election. 

Tinataya namang nasa mahigit 2.2M na mga balota ang kailangan na iimprenta ng Comelec at target nila yang matapos sa September 15 para sa ilan pang beripikasyon na kinakailangan.

Share this