COMELEC NAGHAHANDA NA SA GAGAWING SPECIAL ELECTION SA 2ND LEGISLATIVE DISTRICT NG ANTIPOLO MATAPOS ANG PAGPANAW  NI REP. ACOP

Manilla, Philippines – Itinakda na ng Commission on Elections (COMELEC) ang special election sa 2nd Legislative District ng Antipolo City sa March 14, 2026.

Ito’y para punan ang nabakanteng pwesto ni Congressman Romeo Macusi Acop na matatandaang pumanaw noong December 2025.

Ayon sa komisyon, nakahanda ang kanilang tanggapan para sa gaganaping special election sa tulong ng Civil Society Organizations (CSOs), partner agencies, at mga stakeholders.

Sabi ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, mano mano ang gagawing eleksyon at hindi Automated gaya ng nagdaang halalan. 

Magsisimula aniya ang pagboto ng mga botante mula Alas-7 ng umaga hanggang Alas-3 lamang ng hapon.

Iiral pa rin daw ang early voting hours sa mga nakatatanda, pregnant woman, at Pwd’s mula alas-5 ng umaga.

Batay sa calendar activities ng COMELEC, sa February 5-7 ang filing ng Certificate of Candidacy (COC) ng mga kandidato.

February 12 hanggang March 12 ang Campaign Period, habang March 14 ang mismong botohan.

Tatagal naman ang election period hanggang March 29, 2026.

Sa pagtatala ng Comelec higit 300,000 ang rehistradong botante mayroon sa ikalawang distrito ng Antipolo.

Nasasakop ng 8 barangay ang mga boboto sa nasabing eleksyon na kinabibilangan ng Cupang, Calawis, San Juan, Inarawan, San Luis, San Jose, San Roque at Dalig. 

Samantala, sinumang ipoproklamang panalo kinabukasan pagkatapos ng election day sa March 14 ay gagampanan ang tungkuling naiwan ni Acop sa 20th Congress para sa natitirang termino nito na matatapos sa June 2028. 

Binigyang diin ng Comelec na ang pagsasagawa ng special election ay malaking bagay sa mga taga Antipolo lalo’t ang nabakanteng posisyon ay malaki ang tungkuling ginagampanan para sa kaayusan, kapayapaan at pagpapanukala ng mga batas na papakinabangan ng kanilang distrito. 

Share this