Manila, Philippines – Patuloy ang pag-oorganisa ng Commission on Elections (COMELEC) kasama ang iba’t ibang mall sa bansa upang mas mapadali para sa publiko ang pagrehistro bilang botante para sa nalalapit na halalan.
Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, nakipagpulong sila sa pamunuan ng mga mall upang hilinging hindi lamang pagpapaboto ang ihandog kundi pati na rin ang pagsasagawa ng voters’ registration sa kanilang mga establisyemento. Mula sa dating humigit-kumulang 50 mall, unti-unti nang nadaragdagan ang bilang ng mga nagsasagawa ng registration dahil nais din ng mga mall operator na maikalat ang serbisyo sa mas marami nilang sangay.
Target ng COMELEC na magkaroon ng voters’ registration sites sa humigit-kumulang 100 mall sa buong bansa.
Samantala, mula Oktubre hanggang unang araw ng Disyembre, umabot na sa halos 800,000 ang mga nagparehistro para sa Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE). Umaasa ang COMELEC na maaabot ang dalawang milyong bagong rehistradong botante pagsapit ng Mayo 18.