“COMMUTER-CENTRIC” EDSA BUSWAY, ISINUSULONG NG PAMAHALAAN

Manila, Philippines – Bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na gawing commuter-centric ang transport infrastructure ng bansa, sinimulan na ng mga opisyal ng pamahalaan ang inspeksyon sa mga istasyon ng EDSA Busway upang itulak ang mabilisang rehabilitasyon at modernisasyon nito.

Pinangunahan nina Transportation Secretary Vince Dizon, Budget Secretary Amenah Pangandaman, at House Transportation Committee Chair Cong. Franz Pumaren ang inspeksyon sa SM North at North Avenue stations, kasunod ng utos ng Pangulo na unahin ang kapakanan ng mga komyuter kaysa sa mga sasakyan.

Ayon kay Secretary Dizon, isasailalim ngayong taon sa rehabilitasyon ang mga istasyon ng EDSA Busway upang gawing mas moderno, ligtas, at komportable para sa mga pasahero. Target ng DOTR na itulad sa disenyo ng SM North Station ang iba pang bus stations sa kahabaan ng EDSA.

Giit ni Pangulong Marcos, panahon na para talikuran ang “car-centric” na urban planning at ilipat ang pokus sa mga pampublikong commuter, sa pamamagitan ng pagpapaganda ng imprastruktura tulad ng EDSA Busway.—Katheryn Landicho, Eurotv News

Share this