CONG. BONG TEVES, INIHALAL BILANG BAGONG PANGULO NG PARTY-LIST COALITION SA 20TH CONGRESS

Manila, Philippines – Nakuha ni House Deputy Majority Leader at TGP Partylist Representative Jose Bong Teves Jr. ang mayorya ng boto ng mga mambabatas para maging bagong Pangulo ng Party-list Coalition Foundation Inc o PCFI sa 20th Congress.

Naganap ang botohan ng mga miyembro ng PCFI na kapwa mga representante ng Partylist group sa isinagawang general assembly sa plenary hall.

Pinalitan ni Teves si Ako Bicol Partylist Representative Zaldy Co na matatandaang nagbitiw bilang miyembro ng kamara.

Sa naging talumpati ni Teves bilang bagong pinuno ng partylist coalition sa kongreso, binigyang diin nito ang tungkulin niyang magserbisyo ng tapat at may integridad bilang mambabatas at pinuno ng organisasyon.

Pagkakaisa rin daw ang nais nitong pairalin at muling maibalik ang tunay at magandang imahe ng mga partylist group.

Samantala bukod kay Congressman Teves, nahalal din bilang Chairman ng PCFI si House Minority Leader Marcelino “Nonoy” Libaban ng 4Ps Partylist, Vice Chairman naman si Congressman Ompong Ordanes ng Senior Citizen Partylist, at kapwa tagapasalita ng koalisyon si Kamanggagawa partylist representative Elijah San Fernando at 4P’s Partylist rep Jc Abalos.

Kasama rin sa mga nakakuha ng posisyon sina COOP-NATCOO Representative Felimon Espares, Agimat Partylist Representative Bryan Revilla at iba pang representante.

Ang PCFI ay isang koalisyon sa loob ng kongreso na binubuo ng mga partylist group representative na naglalayong isulong ang pantay na karapatan sa pagitan ng iba pang mga representante, bigyan sila ng boses sa lahat ng mga gawaing isinasagawa sa loob ng kongreso at marami pang iba.

Share this