CONVOY NG PNP, ILEGAL NA DUMAAN SA EDSA BUSWAY

Ortigas, Pasig City — Hinarang ng mga operatiba ng Special Action intelligence Committee for Transportation (SAICT) nitong Martes ang isang convoy na nagpakilalang mula sa Philippine National Police (PNP) matapos na dumaan at lumabag sa patakaran sa EDSA bus lane.

Sa isang body cam video, kita ang ilang naka-motorsiklong Highway Patrol Group (HPG) na in-escort-an ang isang puting Fortuner at puting Innova sa kahabaan ng Ortigas station northbound, na hinarang ng mga operatiba.

Paliwanag ng mga nasa convoy, mula sila sa hanay ng PNP at may sakay na mataas na opisyal at nagmamadali papuntang Crame kaya napilitang dumaan sa EDSA busway.

Pumayag naman ang grupo na matiketan na lamang at nangako ring babalik para rito.

Kinumpirma naman ni PNP Spokesperson Police Brigadier General Jean Fajardo ang naging insidente sa Busway, at sinabing may sakay na mataas na opisyal ang convoy at kailangan kaagad makarating sa isang pulong sa Crame.

Aniya, ipinaliwanag naman ng grupo sa convoy ang dahilan ng ilegal na pagdaan sa Edsa bus lane at hindi na rin nakipagtalo o umangal pa na matiketan.

Nakiusap rin aniya ang mga ito na makaalis ang dalawang sasakyan, habang pinaiwan ang isa sa mga motorcycle escorts upang ipakita na wala silang balak takasan ang naging paglabag.

Tumanggi naman ang PNP na pangalanan ang opisyal na sakay ng convoy dahil na rin sa usaping pang-seguridad.

Share this