CYBERCRIME COMPLAINT, ISINAMPA LABAN SA KUMAKANDIDATONG BISE-ALKALDE SA ISABELA

Manila, Philippines — Pormal nang naghain ang Commission on Elections (COMELEC) ng cybercrime complaint laban sa isang kandidatong tumatakbo bilang bise-alkalde sa isang bayan sa Isabela.

Sa reklamong kanilang inihain sa Manila Prosecutor’s Office nitong Biyernes, pinuna nito ang naging pahayag ni Jeryll Harold Respicio sa social media na kaya nyang manipulahin ang magiging resulta ng eleksyon 2025.

Sa isa sa kanyang mga videos, sinabi ni Respicio na may mga “backdoor programs” umano para manipula ang Automated Counting Machines, at nag-demo pa kung paano ito gawin.

Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, bukod sa ito ay uri ng pagpapakalat ng maling impormasyon, mapanganib din ito dahil pinapalabas nito sa publiko na kayang lutuin ang panalo sa eleksyon.

Aniya, ito ay pag-atake sa proseso at integridad ng eleksyon, kung kaya’t kailangang panagutin ang nasa likod nito.

Bukod sa cybercrime complaint, balak ding sampahan si Respicio ng disqualification case sa pagkandidato, disbarment case, at kaso para marevoke ang kanyang lisensya sa Professional Regulation Commission (PRC).

Si Respicio na tumatakbong bise-alkalde sa bayan ng Reina Mercedes sa Isabela ay isang abogado at certified public accountant (CPA).

Nagpaalala naman ang COMELEC na maigting at mahigpit ang kanilang magiging aksyon sa anumang similar na insidenteng yuyurak sa integridad ng halalan.

Share this