Manila, Philippines – Habang kumikilos pa-kanluran si Bagyong Paolo sa bilis na 20km/h na may lakas at pagbugso ng hangin na 75/90 km/h na inaasahang magbabagsak ng mga pag-ulan sa ilang bahagi ng bansa.
Gayundin ang pag landfall nito sa Isabela at Aurora.
Inabisuhan na ng Department of Agriculture-DRRM Operation Center ang lahat ng mga magsasaka at mangingisda na paghandaan ang bagyo at maging maingat lalo na sa mga low-lying areas at nakatira sa coastal areas partikular sa Ilocos Norte, Cagayan, Isabela, Aurora, Quezon, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes
Ayon sa DA mas makabubuti sa mga mangingisda kung hindi muna pumalaot kung mataas ang alon at itabi na lamang ang kanilang mga bangka upang hindi matangay ng posibleng malakas na hampas ng alon.
Pinayuhan din ang mga magsasaka na i-posisyon ang kanilang mga pananim at binhi lalo na ang mga high value crops sa ligtas na lugar at itabi ang iba pang kagamitang pansaka.
Inihahanda naman na raw ng DA ang alokasyon ng insurance at credit funds mula sa Philippine Crop Insurance Corporation at Agricultural Credit Policy Council (ACPC) para sa mga magsasaka at mangingisda na maaapektuhan ni Tropical Storm Paolo.
Sa ngayon nakatutok din ang DA sa galaw ng presyo ng mga agricultural product sa bansa, kasabay ng kanilang koordinasyon sa mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Council at mga lokal na pamahalaan para sa pagpapatupad ng ilan pang preparedness measure.