Manila, Philippines – Inirekomenda ng Department of Agriculture (DA) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipamahagi na lamang sa mga relief operations ang mga smuggled frozen mackerel na nasabat kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) sa mga pantalan sa Subic at Maynila.
Sa bawat container van raw kasi na nasabat ay mayroong humigit-kumulang 30 metric tons ng frozen mackerel na may kabuuang 210 metric tons na sasapat upang makapagbigay ng isang kilo ng isda sa 210,000 na katao.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., sa isinagawang mga laboratory test tulad ng histamine and microbiological contaminants ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) kinumpirma nito na ligtas kainin ang mga frozen mackerel.
Hiniling rin niya sa BOC na ilipat ang mga mackerel sa DA upang ito ay maipamahagi ng iba pang ahensya tulad ng Department of Social Welfare and Development(DSWD) o ng Office of the President.
Matapos tukuyin ng Department of Agriculture’s Inspectorate and Enforcement Office at ng Bureau of Plant Industry (BPI) napatunayan na ito ay isang smuggled, may kabuuang pitong container van ang nakumpiska dalawa rito ay mula sa North Harbor ng Manila at lima mula sa Subic Freeport.
Samantala, bukod sa mackerel, karamihan sa mga nasamsam na kargamento ay naglalaman din ng mga sibuyas. Bagama’t walang nakitang bakterya, heavy metals, o pesticide contamination ang isinagawang laboratory tests, inirekomenda ng BPI na sirain ang mga sibuyas dahil sa nakitang mga palatandaan ng pagkabulok ng mga ito. — Ella Corazon, Eurotv News